MAHIGIT sa isang daang market vendors ang inaresto ng Market Development and Administration Department (MDAD) dahil sa “overpricing’ ng mga ibinebentang produkto sa Quezon City.
Nabatid kay MDAD Head for Operations Procopio Lipana, kanilang ieendorso ang mga naaresto sa Department of Agriculture (DA) para sa kaukulang imbestigasyon at kaparusahan dahil hindi umano nila ito hurisdiksiyon.
Ayon kay Lipana, madalas umanong katwiran ng mga vendor ay mataas ang kuha nila sa mga trader kaya mataas ang presyo ng kanilang benta.
Isinumite na rin ng MDAD ang mga resibo ng transaksiyon sa pagitan ng market vendors at mangangalakal sa DA bilang karagdagang ebidensiya sakaling kailanganin.
Aniya, maaaring magamit din umano ito ng DA sa kanilang mga report sa pagkukumpara sa suggested retail price (SRP) para sa lahat ng stakeholders.
Ang aksiyon ng MDAD ay bilang tugon sa kautusan ni QC Mayor Joy Belmonte na magsagawa ng araw- araw na monitoring ng mga presyo sa lahat ng palengke at tiyakin na sumusunod ang mga vendors sa SRP na ipinatutupad ng pamahalaan.
Magugunitang nitong nakaraang taon, nakakumpiska ang MDAD ng 263 depektibong mga timbangan, at inisyuhan notices ang 282 na lumabag sa paglalag ay ng price tags sa kanilang paninda at 128 notices sa ‘overpricing.’ EVELYN GARCIA
Comments are closed.