112 PASYENTE PANIBAGONG COVID-19 RECOVERIES

DOH

MAYNILA-MAYROONG  112 pasyente pa ang iniulat ng Department of Health (DOH) na gumaling na mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ayon sa DOH, dahil dito ay nasa 1,618 na ngayon ang kabuuang bilang ng mga pasyente na nakarekober na mula sa virus.

Sa case bulletin #54 ng DOH, nabatid rin na hanggang 4pm ng Mayo 7, ay nakapagtala pa sila ng panibagong 339 COVID-19 cases.

Sa kabuuan, mayroon na ngayong 10,343 confirmed COVID-19 cases sa Pilipinas

Ang mga ito ay binigyan ng patient ID # na PH10005- PH10343.

Sa mga bagong kaso, 61% o 205 ang mula sa Region 7, 32% o 110 ang mula sa National Capital Region (NCR) at 7% o 24 naman ang naitala sa iba lang bahagi ng bansa.

Samantala, nakapagtala rin naman ang DOH ng 27 pang pasyente na namatay sa sakit, sanhi upang umakyat na ito ngayon sa 685 COVID deaths. ANA ROSARIO HERNANDEZ