115 BARANGAYS SA PASAY NASA LCQ

KASALUKUYANG nakapailalim sa localized community quarantine (LCQ) ang 115 mula sa 201 barangays sa Lungsod ng Pasay.

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto Rubiano, sa 115 barangay na nakapailalim sa LCQ, 431 kabahayan dito ang apektado na kasalukuyang nasa quarantine.

Nabatid na sa 115 barangays na naka-lockdown, ang Barangay 183 pa rin ang nananatiling may pinakamataas na bilang ng COVID-19 na may 62 indibidwal na sinundan ng Barangay 179 at 191 na parehong may tig- 12 kaso habang ang mga Barangay ng 76 at 184 naman ay mayroong tig-11 samantalang ang Barangay 38 ay mayroong 10 kaso ng naturang virus.

Patuloy pa rin ang pagtulong ng lokal na pamahalaan sa mga residente na may mga pamilyang nahawahan ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pagkaing masagana sa bitamina at nutrisyon tulad ng gulay at prutas.

Kasabay nito, hindi inihihinto ng lokal na pamahalaan ang pagsasagawa ng swab testing sa mga residente pati na rin ang isolation sa mga indibidwal na nadapuan ng virus upang hindi na muli pang makapanghawa ang mga ito.

Gayundin, nanawagan ang alkalde sa mga residente ng lungsod na maging mapagmatyag at patuloy na sundin ang health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield at ang pag-oobserba ng dalawang metrong physical distancing.

Hinihingi rin nito ng kooperasyon sa mga residente na sumunod na lamang sa panawagan ng gobyerno lalo pa ngayong panahon na ang Metro Manila ay isinailalim sa mas mahigpit na general community quarantine (GCQ) na sinimulang ipatupad kahapon na magtatagal hanggang Abril 4.

Batay sa huling datos ng City Epidemiology and Di­sease Surveillance Unit (CEDSU) nitong Linggo, nakapagtala ang lungsod ng 881 aktibong kaso ng COVID-19 kabilang na rito ang 124 na bagong kaso ng virus. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.