INIULAT ni Mayor Honey Lacuna na may 11,620 na mga walang hanapbuhay sa Maynila ang nabigyan na ng trabaho at marami pa ring trabaho ang naghihintay.
Ayon kay Lacuna, ang nasabing bilang ay mula sa unemployed sector at nabigyan ng trabaho ng pamahalaang lungsod ng Maynila mula Enero1 hanggang Hunyo 7 nitong taon.
“Congratulations po sa inyong lahat at sa atin pong employers na walang sawang tumutulong sa lungsod ng Maynila, maraming, maraming salamat po at sana ay ‘wag po kayong magsawa na tumulong sa ating mga kababayan dito sa ating lungsod,” anang alkalde.
Tiniyak ni Lacuna na ang probisyon sa pagkakaroon ng trabaho ay isang tuloy-tuloy na programa o job fairs na ginagawa ng public employment service office or PESO, na pinamumunuan ni Fernan Bermejo.
Nabatid na sa “Kalinga sa Maynila,” ng alkalde, isang lingguhang public forum na ginagawa sa iba’t-ibang barangay kung saan ang pangunahing serbisyo ng City Hall ay ibinababa sa bawat barangay tulad ng job fairs kung saan may 421 job seekers ang hired on the spot.
“Nakapag-ugnayan na kayo, nasabi nyo pa sa pamahalaan ang problema ninyo and at the same time, nakapag-avail pa kayo ng services, plus kung naghahanap kayo ng trabaho, baka ma-hire pa kayo on the spot,” dagdag pa nito.
Para sa mga hindi nakarating sa lingguhang “Kalinga sa Maynila” na ginagawa tuwing Miyerkules, sinigurado ni Lacuna na mayroon pang ibang paraan para makahanap ng trabaho, tulad ng special recruitment activity sa PESO annex office, Park ‘N Ride Building, Lawton, Ermita, na magsisimula sa Lunes hanggang Biyernes mula 9 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon.
Samantala, sinabi ni Bermejo na sa 11,620 na nalikha mula Enero1 hanggang sa kasalukuyan, 3,060 ay hired on the spot; 4,876 ay placement reports of employers; 2,366 , Joyride Philippines; 200, Borzo Philippines,; 16, Lalamove Philippines at 91. TUPAD beneficiaries.
Sa placement report of employers, sinabi ni Lacuna na 22 dito ang senior citizens at 12 naman ang PWDs na tinanggap ng Shakeys ; 17 senior citizens at 15 PWDs naman sa Jollibee at apat na PWDs at apat na senior citizens naman Peri-Peri habang 33 senior citizens naman sa KFC.
Sa ilalim naman ng special program for the employment of students (SPES), 46 ang natanggap sa KNC Group of Companies; 32 sa Coffee Bean & Tea Leaf, at tatlo sa Lay Bare.
Sa job fair na ginawa sa Universidad de Manila kamakailan, may 531 rin ang hired on the spot.
Sinabi ng alkalde na ang city government ay patuloy na naghahanap ng senior citizens na kaya pang magtrabaho at naghahanap ng trabaho.
Magkaroon ding job fair caravans nitong Biyernes sa Barangay 105, Tondo mula alas-9 ng umaga hanggang ala-5 ng hapon at sa darating na Hunyo 16 sa Barangay 103, Tondo naman.
Pinaalalahanan ni Lacuna ang mga jobseekers na magsuot ng casual attire, magdala ng 10 kopya ng resume, magdala ng sariling ballpens, sumunod sa health protocols at siguraduhing nakakain na at magpasalamat o magsabi ng ‘thank you’ sa interviewers, matanggap man sila o hindi. VERLIN RUIZ