LABING-ISA sa 16 na barangay sa Parañaque ang itinuturing na COVID-free na rin dahil sa patuloy na pagbaba ng kaso ng virus sa lungsod.
Ang mga COVID-free na barangay ay kinabibilangan ng Barangay Baclaran, Dongalo, La Huerta, San Dionisio, Vitalez, Marcelo Green, Merville, Moonwalk, San Antonio, San Martin at Sun Valley.
Base sa report nitong Miyerkules ng Paranaque City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na katuwang ang City Health Office (CHO), mayroon na lamang 11 kaso ng COVID-19 ang natitira sa lungsod.
Sa limang barangay na mayroon pang natitirang kaso ng COVID-19 ay ang Barangay BF ang may pinakamaraming kaso pa ng virus na may apat na aktibong kaso na sinundan ng Barangay Don Bosco na may 3 kaso habang tatlong barangay pa na kinabibilangan ng mga barangay ng Sto. Nino, Tambo at San Isidro pati na rin ng isang hindi alam na barangay ay mayroong tig-isang aktibong kaso ng COVID-19.
Nakapagtala rin ang lungsod ng 5 bagong kaso ng virus kung kaya’t ang naging kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 ay umabot pa rin sa 11.
Ang 11 pasyenteng ng COVID-19 ay kasalukuyang mga nasa isolation facility kung saan minomonitor ang kanilang mga kalagayan ng mga doctor at nurses.
Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa mga residente na ipagpatuloy ang pag-obserba sa mga health protocols upang makamit ng lungsod ang pinakamimithing COVID-free city.
Sa datos ng CHO ay nakapagtala ang lungsod ng kabuuang 50,841 kumpirmadong kaso ng COVID-19 kung saan 98.43 porsiyento nito o katumbas ng 50,040 pasyente ay mga nakarecover na habang 786 naman ang mga namatay sa virus. MARIVIC FERNANDEZ