(11K aplikante sumailalim sa screening) 102 EX-MILF PASOK SA PNP

“WE are making history”.

Ito ang inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa oath taking at turn-over ng mga bagong recruit ng Philippine National Police (PNP) mula sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro Quota ng National Liberation Front (MNLF).

Sa ginanap na seremonya sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region Grandstand Camp Gen Salipada K Pendatun, Brgy. Making, Parang, Maguindanao Province, sinabi ni Abalos na ang 102 dating miyembro ng MILF at MNLF mula sa 11000 aplikante ay sumailalim sa isang napakahigpit na pagsasanay at proseso ng screening.

“Undeniably you will be facing challenges, hardships, and struggles. Sa mga susunod na araw marami pang hamon sa buhay. At the end of this road, be reminded of the success of overcoming the strenuous training in molding you to become a better version of yourself, in discovering your potential to make a difference,” anang kalihim.

Ang mga bagong recruit ay itinalaga bilang patrolman at patrolwomen sa temporary status at bibigyan ng mga armas na gagamitin para protektahan ang publiko lalo na sa kanilang komunidad.

Pagkatapos, itatalaga sila sa Regional Learning and Doctrine Development Division para sa karagdagang pagsasanay.

“Today you will be clothed with the uniform of the PNP and may this remind you of your mission to guard the vulnerable. Be the champion of truth and be the example of bravery and responsibility,” mensahe ni Abalos sa newly inducted PNP patrolmen at patrolwomen.

Ang pagsasama ng dalawang grupo ay bahagi ng Republic Act 11054 o ang Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao matapos pumirma ang gobyerno ng isang kasunduang pangkapayapaan sa mga Bangsamoro people.

Inihayag din ng DILG chief ang planong pagsisimula ng isa pang proseso ng pagpili para sa isang bagong batch ng patrolmen at patrolwomen mula sa MILF at MNLF upang makamit ang target na 400 recruits bago matapos ang taong ito.
EVELYN GARCIA