MAGIGING host ang Pilipinas sa isang qualifying event para sa Paris Olympics.
Ang 11th Asian Age Group Championships ay nagsisilbi ngayong qualifier sa Summer Games ngayong taon, isang kaganapan na nagdagdag ng malaking mileage sa Feb. 26-March 9 event sa New Clark City Aquatics Center sa Capas, Tarlac.
Ang magandang balita ay ipinarating ng mga organizer ng torneo nitong Martea sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex, sa pangunguna ni Congressman Eric Buhain, secretary-general ng Philippine Aquatics Inc.
“Just two days ago, it has been declared na ‘yun pong tournament ay Olympic Qualifying event for Paris,” sabi ni Organizing Committee President and CEO Joseph ‘Jojit’ Alcazar, na sinamahan sina COO Dave Carter at Buhain sa weekly session na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, PLDT/Smart, at ArenaPlus.
Dagdag ni Buhain, “That also means there will be world-class swimmers coming in and doing their best to make the qualifying times for Paris. So napakalaking opportunity ito to host and see these swimmers. Bihirang-bihira na makakita tayo ng ganitong kalibreng mga atleta sa larangan ng aquatics na darating dito sa ating bansa.”
Nasa 1,300 atleta mula sa 31 bansa ang inaasahang sasabak sa apat na disciplines na nakataya —swimming, diving, artistic swimming, at water polo.
Gayunman ay nilinaw ni Buhain na tanging swimming ang nagsisilbing qualifier sa Olympics.
Sa kabila nito, inaasahan ng mga organizer ang paglobo ng bilang ng mga kalahok kasunod ng desisyon na gawin itong Olympic qualifier.
“Puwede pang lumobo ito dahil ngayon meron pang naghahabol na mapasali dito sa ating event,” sabi ni Alcazar.
May kabuuang 44 swimmers – 22 boys at 22 girls – ang bubuo sa Team Philippines na sasabak sa meet makaraang piliin sa national tryouts na idinaos sa Teofilo Yldefonso swimming pool sa Rizal Memorial Sports Complex noong nakaraang taon base sa World Aquatics qualifying points.
Pinangungunahan nina Southeast Asian Games record holder Xiandi Chua at gold medalist Chloe Isleta ang kampanya ng bansa torneo. Ang age-group events na nakataya ay ang 12-14, 15-17, at 18-and-above.
Samantala, apat na lalaki at babae ang kakatawan sa bansa sa diving at dalawang foreign-based Filipinos ang sasabak sa artistic swimming.
Ang swimming competitions ay gaganapin sa Peb. 26-29, diving mula Peb. 26 hanggang Marso 1, artistic swimming sa Marso 2-6, at water polo sa Marso 3-9.
Ayon kay Buhain, ang India, Pakistan, Malaysia, Japan, Vietnam, at Sri Lanka ang mga bansa na magpapadala ng pinakamalaking delegasyon.
Nagpahayag ng intensiyon at interes si World Aquatics president Husain Al-Musallam at ang iba pang mga opisyal ng Asia Aquatics na bumisita at manood ng event.
CLYDE MARIANO