NAGING palaisipan sa pulisya at sa pamilya ang ginawang pagpapatiwakal ng Grade 6 na estudyante sa loob ng kanilang bahay sa Malabon City.
Nadiskubre ang bangkay ng 12-anyos na estudyante dakong alas-7 ng gabi noong Sabado sa loob ng kanyang silid sa ikalawang palapag ng kanilang tirahan sa Barangay Potrero.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Malabon Police chief Col. Albert Barot, huling nakitang buhay ang biktima ng kanyang 20-anyos na nakatatandang kapatid na lalaki dakong alas-5 ng hapon nitong Sabado.
Nabatid na bandang alas-7 ng gabi nang tumawag ang kanilang ama at inutusan ang panganay na tawagin ang biktima para kausapin kaya’t umakyat kagad ang binata patungo sa silid at dito niya nakita ang kapatid na nakadapa at may nakapulupot na lubid ng duyan sa leeg.
Kaagad niyang tinawag ang kanilang ina na noon ay nagluluto ng pagkain at sa tulong ng kanilang mga kapitbahay ay mabilis nilang isinugod ang biktima sa Fatima University Medical Center kung saan siya idineklarang “dead-on-arrival” ng mga doktor.
Sinabi ni Barot na hinihintay pa nina SSgt Mardelio Osting at Cpl. Renz Marlon Baniqued, may hawak ng kaso, ang resulta ng isinagawang pag-awtopsiya sa bangkay ng biktima bago magsagawang muli ng pagsisiyasat sa kaso. EVELYN GARCIA