12 APPLICANTS HIRED ON THE SPOT SA INDEPENDENCE DAY JOB FAIR

LABINDALAWANG aplikante ang na-hire on the spot sa unang dalawang oras sa mismong Araw ng Kalayaan sa ginanap na Job Fair sa lungsod ng Marikina.

Ang unang lima sa kanila ay binigyan ng tig-P2,000 bilang support fund para sa kanilang mga pangangailangan sa trabaho, ani Marikina City First District Representative Marjorie Ann “Maan” Teodoro.

“Maraming kalahok na kumpanya ngayon sa job fair, 47 na kumpanya, pribado at pampublikong kumpanya na kasama natin ngayon. Kaya talagang ang bawat booth ay may dalang pag-asa at posibilidad ng isang magandang kinabukasan,” dagdag pa ng kongresista.

Ayon kay Teodoro, ang inisyatiba ng Marikina sa pagsasagawa ng job fair sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay naglalayong mapalaya ang mga residente ng Marikina sa tanikala ng kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng trabaho.

“Lahat tayo ay may kalayaan na paunlarin ang sarili at bumuo ng kinabukasan sa marangal na paraan, sa mga trabaho na magpapalaya sa atin mula sa ano mang pagsubok sa buhay,” aniya.

“Nararapat lang na mabigyan lahat ng oportunidad na magkaroon ng trabaho lalo na ang mga fresh graduates na simula pa lang na sasabak sa job market,marahil may halong kaba, ang iba sa inyo iniisip na sapat na ba ang resume o qualified na ba akong magtrabaho, pero we have to start somewhere,” diin ni Teodoro.

Hanggang alas-10 ng umaga kahapon mahigit 600 na ang nagparehistro na naghahanap ng trabaho sa Independence Day Job Fair ng Marikina.

Itinampok sa Independence Day Job Fair ng Marikina ang magkakaibang hanay ng mga kumpanya, kabilang ang mga kumpanya ng Business Process Outsourcing (BPO), mga bangko, mga hotel, mga kumpanya ng transportasyon, mga food chain, mga grocery chain, mga kumpanya ng telekomunikasyon, mga construction firm, mga pasilidad sa kalusugan, mga ahensya ng recruitment, at marami pang iba. ELMA MORALES