HINDI pinayagan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na makaalis sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang 12 pasahero na pinaniniwalaang mga biktima ng human trafficking na nag-o-operate sa mga paliparan.
Ayon sa nakarating na report kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ang 12 pasahero ay na-intercept ng kanyang mga tauhan noong Setyembre 18 at 19 sa NAIA bago makasakay sa kani-kanilang mga flight.
Ani Morente, hinarang ang mga ito dahil pawang mga bugos ang kanilang mga dokumento na ipinagkaloob sa kanila ng mga recruiter.
Batay sa impormasyon, 10 sa mga pasaherong ito ang nahuli sa Terminal 3 at dalawa naman sa Terminal 2.
Nadiskubre ni BI Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) Chief Timotea Barizo, karamihan sa 12 na mga pasaherong hinarang ay pineke ang kanilang edad upang makalusot sa mga immigration officer.
Agad naman na inilipat sa pangangalaga ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga nasabing pasahero upang sumailalim sa masusing imbestigasyon para mahuli ang mga miyembro ng sindikato na nasa likod nitong modus. FROILAN MORALLOS
Comments are closed.