12-K PANG ESTUDYANTE PASOK SA P400-M SCHOLARSHIP PROGRAM NG CHED

NASILIP nina House Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo (Pampanga 2nd Dist.) at House Senior Deputy Minority Leader Paul Daza (Northern Samar 1st. Dist.) ang pagkakaroon ng P400 million na bahagi pa ng 2021 continuing appropriations ng Commission on Higher Education (CHED), nang isalang sa Kamara ang panukalang P30.7 billion pondo ng nasabing ahensiya para sa susunod na taon.

Ayon kay Daza, mismong si CHED Chairman Prospero “Popoy” De Vera III ang nagkumpirma sa kanila sa natitirang pondo na ito, na maaaring ilaan sa iba pang programa, subalit paalaala ng huli ay kailangan ay paaprubahan muna ito sa Department of Budget and Management (DBM).

Subalit kung bubusisiing mabuti ang audit records at financial reports ng komisyon, sinabi ng House Senior Deputy Minority Leader na makikitang nasa P1.8 billion pa ang naiwang badyet ng CHED sa fiscal year 2021 nito.

Kaya naman sa pamamagitan ng pakikipag-usap nina Arroyo at Daza sa CHED ay hinimok nila si De Vera na magamit ang sobra pang pondo partikular para sa pagpapalakas ng scholarship program ng ahensiya, na madagdagan ang bilang ng mga kabataan na matutulungan ng ahensiya na maipagpatuloy ang kanilang college education.

Ani Daza, nagkasundo sila na gamitin ng CHED ang nabanggit na P400 million funds nito para mapagkalooban ng scholarships ang karagdagang 12,000 pang mag-aaral, mula sa kasalukuyang bilang ng student beneficiaries ng naturang programa.

“We hope, through these additional potential funds, we no longer have to trim down our list of scholars, but instead grant the opportunity to more Filipino youth,” pagbibigay-diin ng Northern Samar lawmaker.

“As lawmakers, we must exercise due diligence to maximize all available resources, especially for something as vital as education. I know our Deputy Speaker and former President GMA shares this sentiment. Together we await the CHED in filing a request with the DBM so these funds may be allocated and utilized by our students,” pagtatapos ni Daza. ROMER R. BUTUYAN