12 KATAO ITINUMBA NG LAMBANOG

lambanog

LAGUNA – LABINDA­LAWA katao ang nasawi matapos uminom umano ng lambanog sa magkahiwalay na lugar sa  bayan ng Rizal sa Laguna at sa Candelaria sa Quezon.

Ayon kay PCapt. Lindley Tibuc, hepe ng pulisya, pito pa aniya ang nananatiling kritikal, 17 ang patuloy na ino­obserbahan habang nasa mahigit na 300 katao na ang magkakahiwalay na isinugod sa iba’t ibang ospital sa Metro Manila, karatig na mga bayan at lalawigan.

Batay sa unang talaan, nakilala ang mga nasawi na sina Maricris Dimayuga, 24, hipag nitong si Analyn Lanuza, 34, ng Brgy. Paule-2, Cenon Piedra, 60, Ricky Vitangcol, Jason Navarroza, 34, Luis Urriquia, pawang mga residente ng Brgy. Pook, Rizal, Laguna, Marlon Veridiano, at isang Elmer Dorado ng Nagcarlan, habang tatlo pa ang nasawi kung saan kinikilala ang mga ito kabilang ang biktimang si Ernesto Aguilar, 54, ng Candelaria, Quezon.

Sa imbestigasyon, sinasabing naganap ang magkakahiwalay na insidente sa Brgy. Pook, bayan ng Rizal, kamaka­lawa matapos ang idinaos na birthday celebration at Christmas Party sa lugar kung saan may tatak na Rey Lambanog ang ininom umanong alak ng karamihan sa mga bisita.

Kinabukasan ng umaga, ng makaramdam ang mga biktima ng pagkahilo, paninikip ng dibdib, panlalabo ng mga mata, pananakit ng tiyan kasunod ang pagsusuka.

Bunsod nito, agarang isinugod ang mga ito sa magkakahiwalay na ospital samantalang minalas na masawi ang walo sa mga ito kabilang ang biktimang si Aguilar sa bayan ng Candelaria, Quezon habang dalawa pa sa kanyang kainuman ang nasa kritikal na kondisyon sa pagamutan.

Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng aworidad kaugnay ng hindi inaasahang pagkalason ng mga biktima.

Sinasabing binili ng mga ito sa tindahan ni Emma Ocaya at Orlando Mapa sa Brgy. Pook ang nasabing lambanog na nagmula pa umano sa bayan ng San Juan, Batangas.

Kinumpiska na rin aniya ni Tibuc at kanyang mga tauhan ang naka-stock pang mara­ming lambanog sa tindahan ni Ocaya para sa isasagawang pag-susuri ng mga dalubhasa upang mapatunayan kung anong kemikal ang posibleng nakalason sa mga biktima.

Kaugnay nito, nakatakdang magdeklara ng State of Emergency ang lokal na Pamahalaan ng bayan ng Rizal sa ilalim ni Municipal Mayor Ve­ner Munoz. DICK GARAY