12 MMDA TRAFFIC ENFORCER SHABU USERS

MMDA TRAFFIC ENFORCER

MAKATI CITY – NASA 12 kawani ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na karamihan ay mga traffic enforcer ang positibong gumagamit ng shabu.

Ito ang  inihayag  ni MMDA general manager Jojo Garcia sa isang press briefing kahapon, na pansamantalang hindi muna pinangalanan.

Ayon kay Garcia,  anim dito ay nasa  job order status kaya awtomatikong sibak na ang mga ito sa trabaho.

Habang ang anim naman ay nasa  casual at permanent status at isasailalim  sa due process.

Nabatid na sa ramdom drug test na pinatutupad ng MMDA sa kanilang tanggapan, 13 ang naunang nagpositibo sa paggamit ng droga subalit 12 na lamang ang pumasok sa tinatawag na confirmatory test.

Karamihan aniya sa nagpositibo sa droga ay pawang mga traffic enforcer at ang mga ito ay mga lalaki.

Ayon kay Garcia, nasa 1,000 kawani ng MMDA ang  ipinatawag para isailalim sa ipinatutupad na  random drug test ng ahensiya na nagsimula noong  Mayo 22 hanggang 24 ng taong kasalukuyan.

Subalit, ang 20 porsiyento dito ay hindi nakapunta dahilan upang babaan ng memorandum  ang mga ito para maging ground ng termination.

Ginagawa ang random drug test sa mga kawani ng ahensiya bilang bahagi na rin ng mahigpit na pagsuporta sa kampanya ng administrasyon kontra droga na ang layunin pa rin ay  maging drug free ang mga tauhan ng MMDA.          MARIVIC FERNANDEZ