12 PASAWAY SA SUGAL NALAMBAT

ARESTADO ang 12 pasaway matapos malambat sa isinagawang magkahiwalay na anti-illegal gambling operation ng mga tauhan ng Caloocan PNP at Malabon PNP.

Ayon kay SSg Paul Colasito, unang nagtungo sa opisina ng Northern Police District Special Operation Unit (DSOU) sa ilalim ng pangangsiwa ni Lt. Col. Jay Dimaandal ang mga tauhan ng Games and Amusement Board (GAB) at nagbigay ng impormasyon hinggil sa nagaganap na illegal gambling game na kilala bilang “Bookies\Karera ng kabayo” sa Libis Talisay, Brgy. 12, Caloocan City.

Agad pinuntahan ng mga tauhan ng DSOU, kasama ang mga tauhan ng GAB ang naturang lugar na nagresulta sa pagkakaaresto kay Rocky Javier, 38-anyos, bookies karera teller at Bread Luster Namit, 34-anyos, street dweller (bettor) dakong alas- 7:30 Sabado ng gabi.

Narekober sa mga suspek ang 2 ballpen, 1 calculator, 1 dividendazo, isang 42’ inches Led TV, ilang bet list at P530.00 bet collection.

Sa Malabon, bandang ala-1 Linggo ng madaling araw nang magsagawa naman ng joint operation ang mga operatiba ng Malabon Police Intelligence Section at Sub Station 6 matapos ang natanggap na impormasyon mula sa Barangay Information Network (BIN) hinggil sa ongoing illegal gambling activity na kilala bilang “Illegal Pool Betting” sa 2nd St. Brgy., Tañong.

Nalambat sina Alejo Sito, 51-anyos; Jimeffer Abayon, 36-anyos; Allan Real, 29-anyos; Jerry Adolfo, 25-anyos; Andrian Vicente, 42-anyos; Noriel Peña, 40-anyos; Leimar Vien Angelo Navarro, 24-anyos; Mark Joseph Agulto, 35-anyos; Marvin Macalino, 41-anyos at Mael Delos Santos, 47-anyos.

Ayon kay SSg Mardelio Osting at SSg Diego Ngippol, nakumpiska sa mga dinakip ang isang billiard pool set at P7,500 bet money.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Caloocan at Malabon detention cell habang inihahanda ang paglabag sa kaukulang kaso. VICK TANES