12 SENADOR PROKLAMADO NA

comelec

TULUYAN nang naiproklama nitong Miyerkoles ng Commission on Elections (Comelec) ang 12 senador na nagwagi sa katatapos na May 13 midterm elections.

Dakong 10:30 ng umaga nang isagawa ang proklamasyon para sa mga kandidatong nanalo sa pagkasenador sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Batay sa official tally ng NBOC mula sa 167 Certificates of Canvass (COC), si reelectionist Senator Cynthia Villar, ng Nacionalista Party (NP), ang nakakuha ng unang puwesto sa 2019 senatorial race sa kabuuang 25,283,727 boto; pumangalawa naman ang independent candidate at reelectionist na si Senator Grace Poe sa botong 22,029,788 votes; habang pangatlo si dating Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, na tumakbo sa Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (20,657,702).

Kabilang din naman sa Magic 12 sina Taguig Rep. Pia Cayetano ng NP (19,789,019); dating Bureau of Corrections at Philippine National Police chief Ronald “Bato” dela Rosa ng PDP-Laban (19,004,225); reelectionist Senator Sonny Angara ng Laban ng Demokratikong Pilipino (18,161,862); actor at dating Senador Lito Lapid ng National People’s Coalition (16,965,464); Ilocos Norte Gov. Imee Marcos ng NP (15,882,628); dating MMDA chairman Francis Tolentino ng PDP-Laban (15,510,026); reelectionist Senator Aquilino “Koko” Pimentel III ng PDP-Laban (14,668,665); dating Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. ng Lakas (14,624,445) at reelectionist Senator Nancy Binay ng United Nationalist Alliance (14,504,936).

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan naman ni Villar ang Panginoon, Comelec, sina Pangulong Rodrigo Duterte at Davao Mayor Sara Duterte, ang kanyang mga kapartido, ang mga taong sumuporta sa kanya at lahat ng mga botante na nagluklok sa kanila sa puwesto at tiniyak sa mga ito na gagawin nila ang lahat upang magampanan ang mga tungkuling iniatang sa kanila.

Tumagal lamang ng hanggang 11:36 ng umaga ang programa bago tuluyang nag-adjourn at upang paghandaan naman ang proklamasyon para sa mga party-list group.

Matatandaang una nang itinakda ng National Board of Canvassers (NBOC) ang proklamasyon nitong Martes, ngunit ipinagpaliban ito dahil sa hindi kaagad nai-transmit na election result mula sa Washington DC sa Estados Unidos, bunsod umano ng apat na pumalyang Secure Digital (SD) cards mula sa San Francisco at Los Angeles.

Dakong 10:35 ng gabi ng Martes pa nang tuluyang na-transmit at mai-canvass ng NBOC ang mga boto mula sa Washington DC at natapos ito dakong 1:24 ng madaling araw ng Miyerkoles.

Habang isinusulat ang balitang ito ay inaantaba­yanan na rin ang proklamasyon ng mga nominado ng mga party-list groups na nakatakdang iproklama ganap na 7:00 ng gabi ng Martes, sa pangunguna ng ACT-CIS, Bayan Muna, Ako Bicol, Cibac, Ang Probinsiyano, 1Pacman, Marino, at Probinsiyano Ako.

Ang mga bagong halal na senador ay inaasahang magsisilbi sa loob ng anim na taon, o hanggang 2025, habang tatlong taon naman ang ipapanatili sa Kongreso ng mga nominado ng mga party-list groups. ANA ROSARIO HERNANDEZ