120 BARANGAY COVID-FREE NA

IDINEKLARA ng lokal na pamahalaan ng Pasay nasa 120 na mula sa 201 barangay sa lungsod ang COVID-19 free na dahil wala nang naitalang kaso ng virus sa mga barangay na ito.

Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano,ang tanging sandata upang maibaba ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod ay ang mahigpit na implementasyon ng prevent-detect-isolate-treat and reintegrate o ang tinatawag na PDITR.

Ito ay nang isinailalim ang mga barangay na may 2 o higit pang kaso ng virus sa kasagsagan ng mabilis na pagtaas ng bilang sa lungsod nito lamang nakaraang Marso.

Sa kasalukuyan, ang may pinakamataas na bilang ng kaso ng virus sa 201 barangay sa lungsod ay ang Barangay 183 na mayroong 18 cases.

Gayundin, bago pa man ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga local government unit (LGU) na arestuhin ang mga sumusuway sa stan­dard health protocols, nauna nang inatasan ang lokal na pulisya na agad ares­tuhin ang mga lumabag sa ordinansa ng lungsod.

Pinaalalahanan din ang mga residente ng lungsod na mag-ingat at sundin ang health protocols na kasalukuyang iniimplementa ng pamahalaang lokal.

Samantala, sa ulat na isinumite ni Pasay City police chief P/Col. Cesar Paday-os kay Calixto-Rubiano, patuloy ang pagsasagawa ng operasyon ng lokal na pulisya sa loob ng nakaraang tatlong sunod-sunod na araw kung saan, 132 indibidwal ang hinuli dahil sa paglabag sa curfew hour, 21 katao ang inaresto sa hindi pagsunod sa social distancing, 60 ang kinasuhan dahil sa hindi pagsusuot ng face mask habang anim katao naman ang inaresto rin dahil walang gamit na face shield. MARIVIC FERNANDEZ

6 thoughts on “120 BARANGAY COVID-FREE NA”

Comments are closed.