NILAGDAAN ng Israel at Filipinas ang memorandum of understanding na magbabawas ng $12,000 sa gastusin ng Filipino caregivers sa Israel.
Sinaksihan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu ang paglagda sa tatlong memorandum of understanding sa pagitan ng dalawang bansa.
Kabilang sa mga nilagdaan ay ang mga MOU na may kinalaman sa employment ng Filipino caregivers, scientific cooperation at pamumuhunan.
Ilan sa mga lumagda sa MOUs para sa gobyerno ng Filipinas ay sina Labor Sec. Silvestre Bello III, Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano at Trade Sec. Ramon Lopez.
Kinilala ng Israel Prime Minister ang mga Filipino caregiver na nagtatrabaho sa kanyang bansa.
Sa press statement na inilabas ni Netanyahu ay sinabi nito na ang kanyang pamilya ay dumaan sa mabuting kamay ng caregiver na Pinay matapos alagaan ang kanyang ama hanggang ito ay sumakabilang buhay sa edad na 102.
Nang mamatay ang kanyang ama ay inalagaan din ng caregiver na Pinay ang kanyang tiyuhin hanggang sa ito ay mamatay.
Kinilala ng Prime Minister na ang mga caregiver ay may malasakit at matatalino kaya libo-libong Pinoy caregivers ang nagtatrabaho ngayon sa nasabing bansa.