12,067 BAGONG KASO NG COVID-19 NAITALA

doh

INIULAT  ng Department of Health (DOH) na nakapagtala pa sila ng 12,067 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa araw ng Martes.

Base sa case bulletin no. 528 ng DOH, nabatid na hanggang nitong Agosto 24, 2021, umaabot na sa 1,869,691 ang total COVID-19 cases sa bansa.

Sa naturang bilang, 6.8% pa o 127,703 pa ang aktibong kaso o nagpapagaling pa sa sakit at maaari pang makahawa, kabilang ang 95.5% na may mild cases, 1.7% na asymptomatic, 1.2% na severe, 0.93% na moderate at 0.6% na critical.

Mayroon namang 14,565 pasyente pa ang iniulat ng DOH na gumaling na sa karamdaman, kaya’t sa kabuuan, umaabot na sa 1,709,724 total COVID-19 recoveries sa Pilipinas o 91.4% ng total cases.

Samantala, 303 pang pasyente ang sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa komplikasyong dulot ng COVID-19.

Sa kabuuan, mayroon nang 32,264 total COVID-19 deaths sa Pilipinas o 1.73% ng total cases.

Ayon sa DOH, mayroong 22 duplicates silang inalis mula sa total case count, kabilang dito ang 15 recoveries.

Nasa 161 kaso rin naman na unang tinukoy na gumaling na mula sa karamdaman, ang malaunan ay natukoy na namatay na pala sa pinal na balidasyon.

Anang DOH, sa pinakahuling ulat, ang lahat ng mga laboratoryo ay operational noong Agosto 22, 2021 habang mayroong 10 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).

“Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 10 labs na ito ay humigit kumulang 3.9% sa lahat ng samples na naitest at 4.4% sa lahat ng positibong mga indibidwal,” anang DOH.

Inihayag din nito na sa mga susunod na araw ay maaari pang tumaas ang mga kaso ng COVID-19 kaya’t patuloy na hinihikayat ang mga mamamayan na istriktong sumunod sa minimum public health standards, maiging pagsasagawa ng PDITR strategies, at pagpapabakuna ay nananatiling pinakamabisang depensa sa COVID-19.

“Mahalaga rin na tayo ay mag-isolate at makipagugnayan sa BHERTs kung tayo ay may sintomas ng COVID-19. Ang maagang konsultasyon at pagpapa-test ay makatutulong upang maputol ang hawaan sa mga bahay, komunidad, at sa mga lugar na pinagtatrabahuhan,” payo pa ng DOH.

Sinabi rin naman ng DOH na ang ‘relatively low’ na bilang ng mga kaso nitong Martes ay dahil sa mas mababang laboratory output noong Linggo. Ana Rosario Hernandez

Comments are closed.