BAGAMAN halos 50% ng police force ay tumanggap na ng booster shots, mayroon pa ring anim na pulis ang dinapuan ng COVID-19.
Gayunpaman, itinuturing na mabagal na rin ang hawahan ng COVID-19 sa police force kumpara noong Enero na umaabot pa sa 3 digits o daan-daan ang bilang ng bagong aktibong kaso.
Sa datos ng Philippine National Police (PNP)-Health Service, 33 na lamang ang aktibong kaso ng nasabing sakit kasama na ang bagong infected habang nabawas na ang limang gumaling.
Nasa 58,650 naman ang total recoveries habang ang kabuuang bagong kaso ay 48,811 na.
Mag-iisang buwan namang walang nadagdag na nasawi sa police force dahil 128 pa rin ang fatalities na ang pinakahuli ay noong Pebrero 1.
Umabot naman sa 120,001 pulis ang tumanggap ng booster shot; 220, 281 ang fully vaccinated habang 3,900 ang naghihintay ng ikalawang dose ng bakuna at 689 na lamang na pulis ang hindi nababakunahan dahil sa medical condition at may sariling paniniwala. EUNICE CELARIO