TINATAYANG aabot sa 121,389 magsasaka at mangingisda sa bansa ang apektado ng matinding tagtuyot dulot ng El Niño.
Batay ito sa pinakahuling tala ng DRRM Operations Center ng Department of Agriculture.
Umabot na rin sa P6.35-B ang halaga ng pinsala sa higit 111,702 ektarya ng lupaing sakahan sa 12 rehiyon sa bansa, kabilang ang Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, at Soccsksargen.
May katumbas itong production loss na 269,416 metriko tonelada kung saan aabot sa 134,828 MT ang mula sa palay, 105,896 MT sa mais, 28,956 MT sa high value crops at 140 MT sa cassava.
Ayon sa DA, ang naitalang production loss sa palay ay katumbas ng 1.46% ng target production na 9,218,358.28 MT para sa dry cropping season ngayong 2024.
Nagpapatuloy pa rin ang paghahatid ng tulong ng DA sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng El Niño.
Katunayan, umabot na sa P2.37-B ang halaga na naipaabot ng kagawaran para maalalayan ang agri at fishery sector.
PAULA ANTOLIN