123 LOOSE FIREARMS NAKUMPISKA NG QCPD

DAHILAN sa pinaigting na kampanya laban sa iligal na pagdadala ng mga armas, aabot sa 123 baril mula sa 113 indibidwal na nasakote sa mga checkpoint, oplan sita at oplan bakal ng pulisya sa Quezon City mula Setyembre 1, 2023, hanggang Enero 31, 2024.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD), Director, P/BGen. Redrico A Maranan, mula sa kabuuang operasyon na isinagawa, ang Novaliches Police Station 4 at Payatas Bagong Silangan Police Station 13 ang may pinakamataas na bilang ng mga operasyon, pag-aresto, at mga nakumpiskang baril.

Sinundan ito ng La Loma Police Station 1, na nakaaresto ng 16 na indibidwal at pagkakakumpiska ng 17 armas.

Bukod pa rito, nagsagawa ng 9 na operasyon ang Project 6 Police Station 15, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 9 na indibidwal at pagkakakumpiska ng 9 na baril.

Lahat ng mga suspek ay kinasuhan ng paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa harap ng Quezon City Prosecutor’s Office.

“We will continue to intensify our efforts to rid our streets of illegal firearms, working tirelessly to uphold the peace and order in Quezon City. Pinapasalamatan ko ang ating mga Qcitizens sa patuloy na pagbibigay ng impormasyon upang matunton at mahuli ang mga taong nagdadala o nagtatago ng mga baril na walang kaukulang lisensya”, pahayag ng QCPD chief. EVELYN GARCIA