SI Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panauhing pandangal sa pagdiriwang ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang ika-123 rd Police Anniversary kahapon.
Sa nasabing selebrasyon, iniulat ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang ilan sa mga accomplishments sa pagtatatag ng Cyber Securty Operations Center upang labanan ang alinmang cyber threats o cyber-attacks.
Iniulat din nito ang 85/15 percent na deployment scheme ng mga pulis kung saan ang 85 porsyento ng mga ito ay nasa active field duties habang ang 15 porsyento lamang ng mga pulis ang gumagampan sa administrative functions na layong paigtingin ang police visibility at mabilis na pagresponde sa anumang emergency.
Inihalimbawa pa nito ang pag-download ng mga pulis mula sa Police Security and Protection Group (PSPG) patungong National Capital Region – Police Office (NCRPO) para kanilang ma-maximize ang kanilang resources at matutukan ang mga tinaguriang high priority areas.
Iniulat din ni Marbil ang 14,666 crime reduction mula Hulyo 2023 hanggang Hunyo 2024 partikular na sa carnapping, rape, robbery at cybercrime.
Aniya, tuloy-tuloy rin ang kampanya ng PNP kontra ilegal na droga mula Hulyo 1, 2022 hanggang Hunyo 31, 2024 kung saan nakasabat ang PNP ng aabot sa P36.5 bilyong halaga ng ipinagbabawal na gamot mula sa kaliwa’t kanang drug operations.
EUNICE CELARIO