124 TULAK, P4-M DROGA NAKUMPISKA SA SACLEO

BULACAN-UMABOT sa 370 katao kabilang ang 124 drug pushers ang nadakip at mahigit P4 milyong halaga ng droga ang nakumpiska ng Bulacan PNP sa isinagawang week-long Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) na nagsimula noong Lunes, Enero 24 at natapos nitong Linggo ng hating-gabi sa nasabing lalawigan.

Base sa report na isinumite kay Col.Rommel J. Ochave, acting Provincial Director ng Bulacan PNP na umabot sa P4,043,099 halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska sa serye ng anti-illegal drug operation ng mga Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Municipal at City Police Station ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO) na nagsimula nang alas-12:01 ng madaling araw noong Enero 24 at natapos ng alas-11:59 nitong Linggo.

Sa nalambat na 124 drug peddlers, karamihan dito ay kabilang sa drug watchlist at narekober sa kanila ang kabuuang 367 pakete ng shabu na tinatayang aabot sa 144.528 gramo ang bigat, 87 pakete at bricks ng pinatuyong dahon ng marijuana na tinatayang may kabuuang timbang na 25126.9 gramo bukod pa assorted drug paraphernalias at buy-bust money.

Samantala, 21 Most Wanted Person (MWP) at 53 pang wanted ang nadakip sa isinagawang manhunt operation sa bisa ng warrrant of arrest na inihain ng tracker team ng Municipal at City Police Station katuwang ang Mobile Force Company ng Bulacan PPO kasama rin ang 24th Special Action Company(SAF), Bulacan CIDG at kapulisan sa Tacloban City, San Esteban,Ilocos Sur ,CIDG Ilocos Norte at Dingalan Municipal Police Station.

Umabot din sa 162 sugarol ang natimbog sa ibat-ibang anti-illegal gambling operation na ikinasa ng elemento ng Bulacan PNP nang kanilang salakayin ang mga tupadahan, drag racing, mah-jong at naglalaro ng sugal na poker sa bilyaran, tong-its at pusoy.

Sa isinagawang Oplan Katok ng Bulacan PNP sa isang Linggong SACLEO, 97 baril ang isinuko sa mga police station for safekeeping habang siyam na baril ang nakumpiska dahil sa paglabag sa Omnibus Election Code at umabot sa 1,037 unregistered at walang dokumentong mga motorsiklo ang na-impound for safekeeping at beripikasyon.

Ang matagumpay na operasyon na ito ng Bulacan PNP laban sa iligal na droga, loose firearms, illegal gambling, mga wanted at pasaway na law violators ay nagpapatunay lamang na seryoso ang pulisya sa isingawang week-long SACLEO dahil sa dami ng mga naaresto at nakumpiskang malaking halaga ng iligal na droga na bahagi ng direktiba ng Police Regional Office 3(PRO3). MARIVIC RAGUDOS