NAMAHAGI at naglagay ng mga radar reflector ang mga opisyal ng 126th Auxiliary Squadron sa mga wooden fishing boat ng mga mangingisda sa Barangay Julugan VII, Tanza, Cavite ngayong Lunes, Hunyo 3.
Bilang pangunahing tungkulin ng Philippine Coast Guard Auxiliary (Maritime Safety), ito ang isang gawaing natatangi at “first of its kind” sa Cavite.
Naisakatuparan ang aktibidad sa tulong ng Coast Guard District National Capital Region – Central Luzon sa pamumuno ni Commander Arnaldo Lim at PCGA Director Edwin Dalangin.
Ang mga radar reflector na ito na nagsisilbing Aids To Navigation (ATON), ay nagpapahusay sa visibility ng mga bangkang gawa sa kahoy sa mga radar system ng mas malalaking sasakyang-dagat.
Ang inisyatiba ay naglalayong bawasan ang posibilidad ng mga insidente ng banggaan at gawing simple ang pagkakakilanlan ng maliliit na sasakyang-dagat na gawa sa kahoy. Ruben D. Fuentes