12K PAMILYANG APEKTADO NI KARDING, PAENG INAYUDAHAN

BULACAN- UMABOT na sa higit 12,068 pamilyang Bulakenyo na naapektuhan ng Bagyong Karding at Paeng ang nakatanggap na ng relief goods mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan (PGB) sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare & Development Office (PSWDO).

Nabatid na Nobyembre 18 nang sinimulan ang pagbibigay ng foodpacks sa bayan ng Calumpit kung saan umabot na sa 7,358 pamilya ang nakatanggap mula sa Barangay Panducot, Sta. Lucia, Bulusan, Gatbuca at Iba O’ Este.

Samantala, nasa 4,710 na apektadong pamilya ang nakatanggap ng food packs sa Barangay Tibaguin, Sto. Niño, San Juan at Palapat sa bayan ng Hagonoy.

Naglalaman ng apat na kilo ng bigas, iba’t ibang de-lata at instant noodles ang bawat foodpacks.

Kaugnay nito, tuloy-tuloy ang pag-aabot ng tulong pagkain sa mga bayan at lugar na lubhang tinamaan ng kalamidad. THONY ARCENAL