INIHAYAG ng lokal na pamahalaan ng Pasay na 13 barangay sa lungsod ang maapektuhan ng water service interruption ng Maynilad simula kahapon, Abril 13.
Ito ay dahil sa ipatutupad ng Maynilad na 8 oras na water service interruption mula alas-10 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga.
Ang mga apektadong barangay sa lungsod ay ang mga Barangay 10, 11, 12, 13, 26, 28, 29, 30, 31, 38, 39, 40, at Barangay 76.
Ayon sa Maynilad, ang pagpapatupad ng water service interruption sa mga nabanggit na lugar ay dahil sa pagbabawas ng raw water na dumarating sa Novaliches portal sa Quezon City.
Dagdag pa ng Maynilad na ang water service interruption advisory ay mananatili hanggang sa kanilang susunod na pagpapahayag.
Sa inilabas na panibagong advisory ng Maynilad ay pinayuhan ng lokal na pamahalaan ang mga residente na mag-ipon ng tubig para sa kanilang konsumo bago pa man mawalan ng suplay ng tubig.
Gayunpaman, sinabi naman ng Maynilad na magtatalaga sila ng mobile water tankers para magbigay ng potable water sa mga nabangggit na apektadong barangay sa lungsod. MARIVIC FERNANDEZ