DOBLE pag-iingat ngayon ang ginagawa ng pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos na umakyat sa 13 personnel nito ang nagpositibo sa COVID-19.
Ayon sa pahayag ng PCG, karamihan sa mga tinamaan ng sakit ang mga frontline worker ng PCG na direktang nalalantad sa mga umano’y carrier ng pandemya.
Bunsod nito, sinabi ni PCG Commandant Vice Admiral George Ursabia Jr., paiigtingin nila ang kampanya kontra COVID-19 upang mapigilan ang pagkalat ng naturang sakit sa kanilang hanay.
Sinasabing nakadeploy sa strategic areas ang mga nagpositibong PCG personnel para pangalagaan ang kaligtasan at kalusugan ng mga nagbabalik OFW at kanilang pamilya, mga locally stranded individuals o LSI’s, kapwa frontliners gayundin ang kanilang maritine stakeholders.
Kabilang dito ang mga mangingisda, tripulante at cargo trucks drivers.
Samantala, kasalukuyan ng isinasailalim sa quarantine at contact tracing ang iba pang hanay ng PCG upang matiyak na hindi na kakalat pa ang sakit sa hanay ng mga PCG personnel. PAUL ROLDAN