LUMAGDA sa memorandum of agreement (MOA) si Makati City Mayor Abby Binay sa isang Korean company para sa pagtatayo ng makabagong transport system sa lungsod.
Ayon kay Binay, bukod sa planong Makati Subway ay magkakaroon na rin ng mga pampublikong bus na electric sa lungsod matapos ang makipagkasunduan sa mga opisyal ng Korea International Cooperation Agency (KOICA) nitong Miyerkules para sa pagtatayo ng isang smart public transport system sa lungsod.
Kabilang sa mga lumagda sa seremonya ay sina KOICA country director Kim Eunsub, KOICA deputy country director Yoo Jiyoung at KOICA program manager Francis Afable.
Sinabi ni Binay na umaasa ang lokal na pamhalaan na makapagbibigay ng malaking kaginhawahan sa mga pasahero o mananakay ang itatayong bagong public transport system sa lungsod dahil hindi lang higit na mas mura ang kanilang ibabayad na pamasahe kundi mas mabilis din ang kanilang magiging biyahe patungo sa kanilang destinasyon.
Dagdag pa ni Binay, bukod sa mga nabanggit na kaluwagan sa mga pasahero ay makatutulong din ang electric buses sa pagbabawas ng greenhouse gas emissions dahil hindi ito gumagamit ng krudo o gasolina.
Batay sa kasunduan, popondohan ng $13 milyong dolyar ng KOICA ang naturang proyekto kasama na ang disenyo, pagtatayo ng electric bus depot/control tower gayundin ang supply ng electric bus units.
Sa panig naman ng lokal na pamahalaan, sasagutin naman ng lungsod ang mga lugar kung saan itatayo ang bus depot at parking area pati na rin ang budget para sa operasyon, storage at maintenance ng electric buses.
Ang naturang proyekto ay inaasahang makukumpleto at magiging operational sa darating na taong 2025. MARIVIC FERNANDEZ