13  MIYEMBRO NG WEST AFRICAN SYNDICATE HULI

jailed

CAVITE – DINAKIP ng awtoridad ang 13 miyembro ng West African online scamming syndicate at isang Pinoy na kanilang kasabwat makaraang ireklamo ng pambibiktima sa mga overseas Filipino workers (OFW) at iba pang nationalities ga­mit ang social media.

Ayon kay Imus City police chief Supt. Audi Madrideo, isinagawa ang pagsalakay sa lungsod kung saan nadakip ang 13 Nigerian.

Base sa impormasyong ibinahagi ni Madrideo, ang modus ng grupo ay lumikha ng pekeng Facebook accounts, na may nakaw na mga larawan at magkukunwaring miyembro ng United States military.

Sa pamamagitan ng chat, papangakuan nila ang mga biktima na padadalhan ng pera o regalo galing abroad.

Subalit bago maipadala ang regalo, dapat ay magpapadala muna ng pera ang biktima para ipambayad kunyari sa shipping o customs fees.

Nabatid ng pulisya na nakapasok sa bansa ang mga Nigerian na suspek gamit ang student visas.

Kabilang sa nadakip ang isa sa mga lider ng grupo na si Emmanuel Nnandi, Nigerian, nang isagawa ng awtoridad ang entrapment operation noong  Linggo ng gabi sa isang money transfer outlet sa Barangay Tanzang Luma 2.

Si Nnandi naman ang nagturo kung saan matatagpuan ang mga mi­yembro ng sindikato. VERLIN RUIZ

Comments are closed.