BATANGAS-UMABOT 13 katao ang sunud-sunod na namatay sa lalawigang ito dahil sa kumplikasyong dala ng COVID 19, ito ang napag-alaman ng Pilipino Mirror.
Sa report ng Provincial Health Office (PHO), ang mga namatay ay naitala sa mga bayan ng Mataas na Kahoy (3), Nasugbu (2), Taysan (2), Tanauan City (2), at tig-isa sa Padre Garcia, Calatagan, Rosario at Lipa City.
Noong 2020, nakapagtala ng 364 COVID-19 deaths ang Batangas na umabot sa 484 sa ikalawang araw pa lamang nitong Abril.
Ayon sa PHO, biglang lumobo ang mga kaso ng COVID-19 mula 15,537 noong Marso 30, sa 16,102 ngayong April 2.
Sa Batangas pa lamang, nasa 565 ang mga bagong kaso sa loob lamang ng tatlong araw kaya lumobo ito sa 2,240 mula sa dating 1,930.
Ang Lipa City pa rin ang nangunguna sa dami ng COVID-19 cases na 599 na sinundan ng Batangas City na 235 cases at Tanauan na 102 cases.
Sa Nasugbu na may 50 kaso, dalawa agad ang naitalang namatay dahil sa komplikasyon kabilang na ang ama ng isang frontliner na doktor.
Matatandaang nagpositibo rin sa COVID-19 si Batangas 2nd District Rep. Raneo Abu matapos magpa-swab test noong Marso 25.
Ani Abu, Asymptomatic ang kanyang kaso ngunit agad siyang nagtungo sa isang Isolation Facility upang hindi makahawa.
Hiniling din ni Abu sa mga kasamahang mambabatas na nagkaroon siya ng contact na sumunod sa quarantine protocols.
Nagpositibo rin sina House Majority Floor Leader Martin Romualdez at Anak Kalusugan Rep. Mike Defensor.
Sumailalim sa general community quarantine (GCQ) status ang Batangas noong Abril 2 na posibleng umabot hanggang katapusan ng buwan. NENET VILLAFANIA
Comments are closed.