13 PINOY BIYAHENG PARIS, 12 PA POTENTIAL QUALIFIERS

LABINTATLONG Pinoy ang sasabak sa Paris Olympics at 12 pa ang umaasang magku- qualify para sa Team Philippines, na ipinagdiriwang ang ika-100 taon ng paglahok nito sa Games.

Gayundin ay pinormalisa ng Philippine Olympic Committee (POC) ang negosasyon sa month-long training camp sa isang world-class facility sa Les Arenas Metz sa La Moselle bago ang July 26-August 11 Games.

“We have as of now qualified 13 athletes for Paris,” pahayag ni POC president Abraham “Bambol” Tolentino sa First POC Journey to Olympic Briefing sa Milky Way Restaurant sa Makati City nitong Biyernes.

Siyam na atleta ang tutungo sa Paris sa pamamagitan ng direct qualification—pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena, boxers Eumir Felix Marcial, Nesthy Petecio and Aira Villegas, weightlifters Vanessa Sarno, Erleen Ann Ando at John Febuar Ceniza, at gymnasts Carlos Yulo at  Aleah Finnegan.

Ayon kay Tolentino, ang ika-4 na  weightlifter, si Rosegie Ramos, ay technically qualified sa women’s 49 kgs class sa kabila na nagtapos sa No. 11 sa world rankings matapos ang Phuket qualifiers noong nakaraang buwan.

“A Belgian [Niña Sterckx] ranks No. 7 in Rosegie’s class, but she lacks the mandatory six qualifiers for Paris, and according to weightlifting’s international federation, Rosegie’s technically qualified,” sabi ni Tolentino, na sinamahan sa briefing nina Chef de Mission to Paris, Cavite Governor nvic Remulla, at secretary-general Atty. Wharton Chan.

Ang 12th at 13th qualifiers, ani Tolentino, ay sina Kyla Sanchez at Jarrod Hatch, na may guaranteed berths sa swimming sa ilalim ng universality rule.

Ang potential qualifiers ay sina Robyn Brown (athletics), Kurt Barbosa (taekwondo), Cris Nievarez (rowing), Joanie Delgaco (rowing), brothers Keisei at Shugen Nakano (judo), Yuta Watanabe (judo), Jericho Francisco (skateboarding), Patrick Coo (BMX cycling), Shagne Yaoyao (MTB cycling), Emma Malabuyo (gymnastics), Bianca Pagdanganan (golf) at Carlo Paalam (boxing), Criz Laurente (boxing), Hergie Bacyadan (boxing) at Rogen Ladon (boxing).

Ayon kay Tolentino, ang Les Arenas Metz training camp ay una sa kasaysayan ng POC.

“This is the first time that our Olympians are immersing themselves in the host city of the Olympics for a month,” aniya.