13 PNP-CIDG OPERATIVES SINIBAK

SINIBAK ng pamunuan ng Philippine National Police- Criminal Investigation and Detection Group ang labing tatlong tauhan nito bunsod ng reklamo sa kanilang isinagawang police operation kamakailan.

Inakusahan ang 13 ng hulidap matapos nilang arestuhin umano ang ilang Chinese nationals dahil sa paglalaro ng mahjong sa Parañaque nitong March 13.

Kinumpirma kahapon ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director PBGen. Romeo Caramat Jr., na sinibak niya sa puwesto ang 10 Police Non Commissioned Officers at tatlong Police Commissioned Officers ng CIDG.

Kasama rin sa inalis sa pwesto si CIDG-NCR Chief Police Col. Hansel Marantan dahil sa isyu ng command responsibility kasunod ng kuwestyunableng police raid.

Nabatid na dumulog ang mga biktima at naghain ng reklamo kay PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia matapos na tangayin umano ng mga sinusumbong na pulis ang ilang mamahaling relo, mamahaling bag, alahas at P3-M sa vault ng mga biktima.

Bukod dito, piniga pa umano ng mga pulis ang mga Chinese national nang hinggan pa nila ng pera kapalit ng kalayaan ng mga Chinese na nahuling nagsusugal.

Sinabi pa ni Caramat na pinaimbestigahan na niya ang naturang insidente kasunod ng utos ni Sermonia. VERLIN RUIZ