13 SUPER HEALTH CENTER ITATAYO SA 13 BAYAN SA LAGUNA

NAKATAKDANG simulan sa mga susunod na buwan ang konstruksiyon ng 13 Super health center sa 13 munisipalidad ng lalawigan ng Laguna.

Ito ang naging pahayag ni Senador Bong Go nang maging panauhing pandangal ito sa ika-100 anibersaryo ng Laguna Medical Center (formerly Laguna provincial hospital) na ginanap sa compound ng nasabing hospital.

Ayon kay Go, ang mga naunang naitayong Super health centers sa Mindanao at Visayas ay napapakinabangan na ng libo- libong mahihirap na residente na nagnanais makakuha ng libre subalit de-kalidad na serbisyo medikal.

Idinagdag pa ng Senador na ang bawat health center na kanyang ipatatayo sa 13 bayan sa Laguna ay maihahalintulad sa isang mini hospital kung saan meron itong mga x-ray machine, ECG, ultrasound, medical technology laboratory at iba pang medical equipment na tutugon sa mabilisang eksaminasyon at lunas ng mga maysakit.

Hindi na rin umano kinakailangan pang pumunta sa ibang clinic ng mga mahihirap na pasyente dahil may doktor, nurses, midwives at medical technologist na susuri sa mga blood samples ng pasyente.

Ang 13 bayan sa Laguna na pagtatayuan ng Super health centers ay ang mga munisipalidad ng Alaminos; Biñan; Cabuyao; Calamba; San Pedro; Santa Rosa; Calauan; Los Baños; San Pablo; Nagcarlan at Pila.

Pinangunahan nina Laguna Governor Ramil Hernandez at Vice Governor Karen Agapay ang pagsalubong kay Go kasama sina Laguna Medical Center Director Dr. Rene Bagamasbad at Dr. Judy Rondilla, chief medical officer ng nasabing pagamutan.

Pinasalamatan ni Dr. Bagamasbad si Go sa napakalaking tulong medical na paulit- ulit umano nitong ginagawa sa mga kapus-palad na mga pasyente sa Laguna. ARMAN CAMBE