MAKARAANG magtago ng mahigit 13 taon, nadakip sa bisa ng warrant of arrest ng pinagsanib na puwersa ng iba’t-ibang sangay ng pulisya sa Parañaque City ang isang miyembro ng kilabot na Abu Sayyaf Group (ASG) na itinuturing na ika-7 sa periodic status report (PSR) ng Philippine National Police (PNP).
Kinilala ni Southern Police District (SPD) director Brig. Gen. Kirby John Brion Kraft ang wanted na miyembro ng ASG na si Salahuddin Alpin a.k.a. Almad Pantangan y Tawasil, 38-anyos, construction worker ng EBR Construction Company.
Base sa report na isinumite kay Kraft, naging matagumpay ang pag-aresto sa suspek nitong Huwebes dakong alas- 8 ng gabi sa Marina Bay South Shore Project, Jackson Ave. Don Galo, Parañaque City.
Ang pag-aresto kay Alpin ay pinangunahan ng mga tauhan ng District Special Operations Unit-SPD (DSOU-SPD) kabilang ang mga miyembro ng Philippine Navy at Joint Task force NCR, PAOCC, DDEU, DID-SPD, DMFB-SPD, Parañaque CPS, Las Piñas CPS at ng Zamboanga CDO.
Ang pagsisilbi ng warrant of arrest na may kaugnayan sa mga kasong murder (Criminal Case no. 24399) at attempted murder (Criminal Case no. 24397), na inisyu noong Hulyo 23, 2009 ni Zamboanga City Regional Trial Court (RTC) Judge Gregorio V. Dela Peña III ng Branch 12 ang naging dahilan ng pagkakadakip kay Alpin.
Ayon pa sa report ng SPD, si Alpin ay sangkot sa mga aktibidad ng kidnapping at extortion na may kaugnayan kay Gapar Pingli bago ito nagtago nang mahigit 13 taon.
Sa isinagawang operasyon laban kay Alpin ay narekober sa posesyon nito ang isang Maroon Herschel backpack na naglalaman ng isang Firestorm Contender .45 caliber pistol na may magazine at kargado ng 8 bala at isang granada.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng DSOU-SPD si Alpin habang naghihintay ng kanyang commitment order na manggagaling sa Zamboanga RTC. MARIVIC FERNANDEZ