13,177 BAGONG KASO NG COVID-19 NAITALA

DOH

NAKAPAGTALA  pa ang Department of Health (DOH) ng 13,177 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa sanhi upang umakyat na sa mahigit 96,000 ang aktibong kaso ng sakit hanggang sa araw ng Biyernes.

Batay sa case bulletin no. 517, sinabi ng DOH na umakyat na sa 1,713,302 ang total COVID-19 cases sa bansa.
Sa naturang kabuuang bilang naman, 5.6% pa o kabuuang 96,395 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman, kabilang ang 95.8% ang mild cases, 1.4% ang severe, 1.0% ang asymptomatic, 0.97% ang moderate, at 0.8% ang critical.

Nakapagtala rin ang DOH ng 4,322 bagong gumaling sa sakit.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa 1,587,069 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 92.6% ng total cases.
Samantala, nasa 299 ang mga bagong pasyenteng sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa karamdaman sanhi upang umabot na sa 29,838 ang total COVID-19 deaths ng bansa o 1.74% ng total cases.

Ayon sa DOH, mayroon namang 414 na duplicates silang inalis mula sa total case count. Sa naturang bilang, 229 ang recoveries.

Nasa 10 kaso na unang tinukoy na recoveries ang malaunan ay natukoy na aktibong kaso pa pala.

Mayroon namang 175 kaso na unang tinukoy na gumaling na mula sa karamdaman, ngunit malaunan ay natuklasang binawian na pala ng buhay sa pinal na balidasyon.

Sinabi ng DOH na sa pinakahuling ulat, ang lahat ng mga laboratoryo ay operational noong Agosto 11, 2021 habang mayroong apat na laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).

“Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 4 labs na ito ay humigit kumulang 2.1% sa lahat ng samples na naitest at 1.5% sa lahat ng positibong mga indibidwal,” anang DOH.

Patuloy na nagpapaalala ang DOH sa mga mamamayan na patuloy na sumunod sa minimum public health standards upang mapigilan ang pagdami pa ng COVID-19 cases.

“Kapag naman nakaranas ng mga sintomas ay agad na mag-isolate at kontakin ang inyong Barangay Health Emergency Response Teams,” anito pa. Ana Rosario Hernandez

4 thoughts on “13,177 BAGONG KASO NG COVID-19 NAITALA”

Comments are closed.