QUEZON- MAY kabuuang 134 na miyembro ng New People’s Army ang pormal na sumuko nitong Miyerkules at nanumpa ng kanilang pagbabalik loob sa pamahalaan.
Isa sa nagbalik-loob ay regular na miyembro ng Milisyang Bayan sa Timog Katagalugan Regional Party Committee.
Ang kanilang pagsuko sa Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict ( MTF- ELCAC) ay sa ilalim ng programa ni Mayor Matt Erwin Florido na sinaksihan naman ng buong miyembro ng Sangguniang Bayan ng General Luna.
Sa tulong ng tanggapan ng Public Attorney’s Office ( PAO), maayos at madaling naproseso ang surrender papers ng mga dating rebelde sa pamamagitan ni Atty. Aisha Kae Pornelda.
Ayon sa pahayag ng mga surenderee, naniniwala sila na maayos at maipagkakaloob ng pamahalaan ni Pangulong Bongbong Marcos ang matagal na nilang nais na magkaroon ng tunay at totoong programang pangkabuhayan na ibibigay sa kanila para wakasan n ang kanilang pakikibaka at makiisa sa lipunan na walang ingay, pananakit at pagpatay.
Ang nasabing pagbabalik loob sa pamahalaan ng mga dating rebelde ay kasabay ng deklarasyon ng gobyerno na ang bayan ng General Luna ay insurgency free na. ARMAN CAMBE