135 PULIS SA CALABARZON SINIBAK

BILANG pagpapatunay sa ginagawang internal cleansing sa hanay ng pambansang pulisya, 135 aktibong pulis mula sa CALABARZON ang sinibak sa serbisyo ngayong taon dahil sa iba’t- ibang kasong kinaharap ng mga ito.

Ito ang pahayag ni Major Mary Anne Chester Torres, Public Information Officer ng Police Regional Office 4A kahapon, kung saan partikular na sinabi nito na ang nasabing aksiyon ng liderato ng PNP ay bilang pagpapatunay na hindi nila pinapaboran ang “scalawags” sa hanay ng pulisya.

Sa nasabing bilang ng mga sinibak na pulis, idinagdag ni Torres na 66 sa mga ito ang ang may kaso tungkol sa droga, 30 sa violation ng R.A. 1965, 46 sa robbery, 63 sa sexual assault, rape, estafa, homicide at marital cases.

Ayon sa opisyal, may kabuuang 205 pulis ang nagkaroon ng ibat- ibang kaso kung saan 135 dito ang tinanggal sa tungkulin, 63 ang kasalukuyang may dinidinig na kaso at 1 ang nakakulong.

Ayon pa kay Torres, ang internal cleansing na kanilang ipinatutupad ay naaayon sa layunin ng tanggapan ng PRO4- A na ipatupad ang malinis, makatarungan at kaagapay ng mamamayan ang lahat ng pulis sa Timog Katagalugan.

Bukod pa dito, sinabi ni Torres na nagsasagawa rin ang PNP Region 4A ng moral recovery program na naglalayon na mahubog ang ispirituwal na katauhan ng isang alagad ng batas. ARMAN CAMBE