Nakatakdang mamahagi ang Department of Agriculture (DA) ng 13,527 Certificates of Condonation with Release of Mortgages (CoCRoM) na katumbas ng mahigit ₱ 939-milyong na buburahing pagkakautang ng mga magsasaka sa lupaing pangsakahan na ipinamahagi sa kanila ng pamahalaan sa rehiyon ng Soccsargen. Pangungunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Sarangani National Sports Center, sa Alabel, Sarangani ang nasabing pamamahagi ng CoCRoM.
Ayon sa DAR, ang mga sertipikong ito ay pakikinabangan ng 11,699 agrarian reform beneficiaries (ARBs), na may mahigit sa 21,000 ektarya ng lupaing agrikultural mula sa mga lalawigan ng Sarangani, South Cotabato, North Cotabato at Sultan Kudarat.
Tinutupad ng CoCRoM ang mandato ng Republic Act No. 11953, o ang New Agrarian Emancipation Act (NAEA), na nilagdaan ng Pangulo noong Hulyo 7, 2023, upang mawala ang lahat ng mga pautang, kabilang ang mga interes, multa, at surcharges na natamo ng mga ARB mula sa lupang iginawad sa kanila sa ilalim ng Presidential Decree (PD) 27, R.A. No. 6657, at R.A. No. 9700.
Sakop ng batas ang higit sa 1.7 milyong ektarya ng mga lupain sa repormang agraryo sa buong bansa, at humigit-kumulang 610,054 na magsasaka ang makikinabang dito, kung saan mapapatawad na ang P57.65 bilyon na utang pang-agraryo ng mga magsasaka.
Mula sa 13,527 CoCRoM, 2,828 sertipiko ay ipamamahagi sa 2,512 ARBs mula sa lalawigan ng Sarangani, na sumasakop sa 5,127.45 ektarya g lupa at nagbubura sa sa may kabuuang ₱215,136,692 utang. Sa North Cotabato, 3,270 sertipiko ang ipamamahagi sa 2,906 ARBs na may 4,605.34 ektarya at nagpapatawad sa ₱159,129,874 utang.
Magkakaloob din ang Pangulo ng may 4,805 sertipiko sa 3,864 ARBs mula sa South Cotabato, na may 7,022.30 ektarya ng lupa na nagpapatawad sa ₱447,779,743 utang. Sa Sultan Kudarat, 2,624 sertipiko ang ipamamahagi sa 2,427 ARBs, na may 4,343.55 ektarya, at ₱117,059,026 ng pinatawad na utang.
Magkakaloob din si Marcos ng 1,251 titulo ng lupa sa 1,252 ARBs na may sakop na 2,174.52 ektarya sa Sarangani.
Ma.Luisa Macabuhay-Garcia