TINATAYANG aabot sa kabuuang 135,885,336 ang bilang ng mga pasahero na sumakay sa Metro Rail Transit-Line 3 (MRT-3) noong 2024.
Mas mataas ito ng 5.3% kumpara sa higit 129M commuters na naitala noong 2023.
Tumaas ng 5.1% ang average daily ridership sa tren noong 2024 o katumbas ng 375,474 pasahero.
Ang buwan ng Oktubre ang may pinakamaraming pasahero na naitala na umabot sa mahigit 12-l milyon, kung saan 900,000 sa mga pasahero ang nakinabang sa mga libreng sakay na inialok ng MRT-3 noong nakaraang taon.
Samantala, ang programang Libreng Sakay na inanunsiyo ni Pangulong Marcos noong December 20 ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng single-day ridership sa taon na umabot sa 469,930 pasahero.
Ayon kay MRT-3 General Manager (GM) Oscar B. Bongon, ang mataas na ridership ay dulot ng tuloy-tuloy na maintenance at operational improvement sa tren para masigurong tatagal lang ng 30 minuto ang biyahe mula North Avenue Station hanggang Taft Avenue Station at manatili rin sa 3.5 hanggang 4 minuto ang headway, o interval sa bawat tren tuwing peak hours.
Ito, aniya, ang dahilan kung kaya naging maaasahang transportasyon ang MRT-3 para sa mga pasahero sa Metro Manila. PAULA ANTOLIN