BINALAAN ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) katulong ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ang may 1,368 barangay na posibleng masapol sa pananalasa ng Tropical Storm Samuel sa Mindanao Region.
Ayon kay NDRRMC spokesman Edgar Posadas, nagsimula na ang kanilang tanggapan at mga ahensiyang nasa ilalim nila sa panahon ng kalamidad na maghanda sa pagtama ng Tropical Storm Samuel.
Ginawa ni Posadas ang pahayag kasunod ng ginawa nilang Pre-Disaster Risk Assessment meeting para talakayin ang pag-responde sa mga maaapektuhang residente kung saan kasama sa naturang pulong ang PAGASA at DILG.
Kabilang din sa pulong ang ilang regional team office para ilatag ang kanilang preparasyon sa bagyo.
Hindi naman inaasahan na kasing lakas ng Bagyong Ompong ang Typhoon Samuel na na-monitor na pumasok na sa Philippine Area of Responsi-bility kahapon ng umaga.
Gayunman, hindi aniya dapat magpakampante dahil mas mainam umanong maging handa para sa kaligtasan ng lahat sakaling manalasa nang todo ang bagyo na inaasahang magla-landfall bukas.
Ayon sa PAGASA, alas-10:00 kahapon ng umaga nang pumasok sa PAR ang nasabing bagyo.
Inaasahang magdadala ito ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan na magdudulot ng pagbaha at pagguho ng lupa partikular sa Caraga re-gion, Davao Oriental, at Compostella Valley. VERLIN RUIZ
Comments are closed.