MATAPOS ipangakong buburahin ang anumang backlog ng mga panukala sa Senado, ibinida ni Senate President Chiz Escudero ang 137 bills na naipasa sa kanyang unang 100 araw ng pamumuno sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
“It’s a scoreboard we can be truly proud of,” pahayag ni Escudero kung saan sa 137 panukala na inaprubahan ng Senado, 62 ang may national application at 75 naman ang mga local concern, sa loob ng 26 session days mula nang magtipon noong Hulyo 22.
Kasabay nito, pinuri ni Escudero ang mga kapwa senador at mga empleyado ng Senado dahil sa kanilang kasipagan at inisyatiba, gayundin ang paglalagay ng partikular na pagtuon sa batas na makatutulong para mapasimple ang proseso ng pamamahala, mapasigla ang buhay ng mga Pilipino, mapabuti ang ekonomiya at mapatatag ang soberenya ng bansa.
“Hindi lang imbestigasyon kundi sa pagpapanday ng batas. These probes make for good TV, but much of my colleagues’ work are actually done outside the glare of cameras,” ayon sa Senate President.
Sa mga panukalang inaprubahan sa Senado sa ilalim ng kanyang liderato, 13 ang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para maging batas at marami pa ang naghihintay sa presidential desk para sa lagda ng Chief Executive.
Ani Escudero, ang natitirang priority bills ay nasa “advanced stages of discussion” at aaprubahan sa pagpapatuloy ng sesyon ng Kongreso sa unang bahagi ng Nobyembre.
Magsisimula ang recess ng dalawang sangay ng Kongreso sa susunod na linggo para bigyang-daan ang paghahain ng kandidatura ng kanilang mga miyembro para sa May 2025 election.
Gagamitin din ng Kamara ang bakasyon para sa pagpapaimprenta naman ng inaprubahang bersiyon ng national budget sa susunod na taon.
Magiging prayoridad ng mga senador ang pagtalakay ng government spending plan para sa taong 2025 kapag nagpatuloy ang sesyon sa Nobyembre 4.
“Our target is to pass the budget early to give the President ample time to review it,” diin ni Escudero.
Aniya, marami pa sanang nagawang batas ang Senado kung hindi lang naapektuhan ng bagyo ang kanilang mga trabaho.
“Mga isang linggo rin na session days ang naanod dahil sa bagyo at baha,“ ani Escudero.
Ngayong 23 na lang ang miyembro ng Senado matapos italaga si Senador Sonny Angara bilang Education Secretary, sinabi ni Esucero na sanay na ang Senado sa ‘multitask’ at kayang pagsabayin ang pagtalakay sa national budget at mga panukalang sinertipakahan bilang ‘urgent’ ng Pangulo.
Kabilang sa mga panukalang naipasa ng Senado ay ang 12 priority bills ng administrasyong Marcos, tulad ng Magna Carta of Filipino Seafarers na kalalagada lang kamakailan ng Pangulo, ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy o CREATE MORE, Self-Reliant Defense Posture Revitalization Act, ang Philippine Maritime Zones Act, Philippine Archipelagic Sea Lanes Act, Academic Recovery and Accessible Learning Act, VAT on Digital Services, at ang Enterprise-Based Education and Training Framework Act.
Samantala, nakatakdang talakayin sa bicameral conference committee ang pag-amyenda sa Agricultural Tariffication Act, Blue Economy Act, at Universal Health Care Act.
Para matiyak na hindi magagambala ang budget deliberation, nakipagkasundo si Escudero sa Philippine International Convention Center para sa paggamit ng kanilang mga function room para sa pagsasagawa ng iba pang pagdinig ng iba’t ibang komite, bilang bahagi ng oversight function ng Senado para masiguro ang check and balance sa pamahalaan.
Sa ilalim ng liderato ni Escudero, inilunsad din ng Senado ang Senate Assist online platform na naglalayong gawing simple ang access sa medical at social assistance program ng mga senador, sa pakikipagtulungan ng mga ahensiya ng gobyerno, public health institutions at ng pribadong sektor.
Sinimulan ng Senate Spouses Foundation, Inc., na pinamumunuan ni Heart Evangelista-Escudero, ang Senate Assist portal ay papayagan ang mga indibidwal na nangangailangan ng tulong na magsumite ng kanilang mga request 24/7 saan mang lugar sa bansa.
“We have around 41 session days left before the end of the 19th Congress. We’re looking at passing as many of the priority bills of the President as possible with the little time left on our calendar. Many of these are already in the advanced stages of the legislative process. Rest assured the Senate will work overtime to pass these measures,” sabi ni Escudero.
Samantala, ang mga priority bills na nakaabang para sa second reading ay ang mga sumusunod:
- SBN 2821 or the Amendments to the Right of Way Act
- SBN 2826 or the Mining Fiscal Regime
- SBN 2771 or the National Water Resources Management Act
- SBN 2781 or the E-Governance Act
- SBN 2699 or the Konektadong Pinoy Bill
- SBN 2474 or the Unified System of Separation, Retirement and Pension of Military and Uniformed Personnel
- SBN 2034 or the Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC)
- SBN 2267 or the Waste-to-Energy Bill.
VICKY CERVALES