137 DRUG SUSPECTS, 112 WANTED PERSONS, 19,855 ORDINANCE VIOLATORS TIMBOG SA SACLEO

UMABOT sa 137 drug suspects, 112 Wanted Persons at 19,855 ordinance violators ang nasakote ng Quezon City Police District (QCPD) sa isinasagawang isang Linggong Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO) sa Quezon City.

Ayon kay QCPD District Director BGen. Remus Medina, isinagawa ang nasabing operasyon mula Pebrero 14 hanggang 20 na nilahukan ng labing-anim na himpilan ng pulisya ng QCPD.

Batay sa tala ng District Operations and Plans Division, 57 anti-drug operations ang ikinasa ng QCPD na nagresulta sa pagkakaaresto ng 137 drug suspects at pagkakasamsam ng 261.58 gramo ng shabu at 1,365 gramo ng tuyong dahon ng marijuana na tinatayang may kabuuang halaga na P2,072,084.

Samantala, 118 warrants of arrest ang inihain ng mga awtoridad laban sa mga akusadong nahaharap sa mga kasong kriminal na nagresulta sa pagkakahuli ng 112 wanted persons habang nasa 19,855 katao naman ang naitalang lumabag sa ordinansang pinapatupad sa lungsod at 5,351 ang pinagmulta.

Nakapagtala naman ng 525 na operasyon sa pagpapatupad ng R.A. 4136 o Land Transportation and Traffic Code na naging dahilan ng pagkaka-impound ng 1,399 na motorsiklo at sasakyan habang 39 naman ang ikinasang anti-illegal gambling operations na nagresulta sa pagkakadakip ng 109 katao at pagkakasabat ng perang nagkakaha­laga ng P71,804.00 na ginamit sa transaksyon.

Nagkasa rin ng anim na Oplan Katok ang kapulisan para sa mga residente ng lungsod na nagdadala ng expired license at registration na nagresulta sa pagkakaaresto ng apat katao at pagkarekober ng 11 na baril habang dalawang anti-carnapping operation naman ang isinagawa na ikinadakip ng dalawa katao.
MARIA THERESA BRIONES