137 PLAYERS SA 2020 PBA D-LEAGUE DRAFT

PBA D-League

UMABOT sa 137 players ang lalahok sa 2020 PBA D-League Draft na gaganapin sa Lunes, Enero 20.

Pangungunahan nina Fil-Am high-flyer Jamie Malonzo at Gilas pool member Jaydee Tungcab ang listahan ng mga umaasang matatawag ang kanilang pangalan sa annual proceedings sa PBA Office sa Libis.

Ang 6-foot-6 na si Malonzo, 23, ay kuminang sa kanyang nag-iisang taon sa La Salle at nakasambot pa ng puwesto sa Mythical Team sa nakalipas na UAAP season.

Si Tungcab, 22, ay isang 6-foot-3 guard na bihirang gamitin sa kanyang paglalaro sa University of the Philippines, subalit ang katapangan ay hinangaan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) upang makasama sa national team pool.

Inaasahang mapapabilang ang dalawa sa first selections, kung saan una ulit na pipili ang AMA Online Education, ang ika-4 na sunod na taon na hawak ng Titans ang  pole position sa draft proceedings.

Lalahok din sa draft sina da­ting Batang Gilas standout Jollo Go, ex-UAAP Juniors MVP Jerie Pingoy, Cebuano standouts Darrell Menina at Jaybie Mantilla, dating CEU scorer Judel Fuentes, at UE forward John Apacible.

Sa mga kalahok, 17 ang Fil-foreigners, sa pangunguna nina Malonzo, dating  La Salle shooter Joshua Torralba, at UP’s James Spencer, David Murrell, at JJ Espanola.

Nag-apply rin sa draft ang mga player mula sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL), kabilang sina Yves Sazon at King Destacamento.