QUEZON CITY – AABOT sa P11.714 bilyon ang inilaan ngayong taon upang magamit sa mga lokal na proyekto ng may 1,373 na munisipalidad sa buong bansa sa ilalim ng Assistance to Municipalities (AM) Program ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay Interior Secretary Eduardo M. Año, ang nasabing halaga ay para sa programang sakop sa priority projects gaya ng local access roads kasama ang drainage system; local bridges, potable water supply projects, evacuation centers and DRR-related equipment; small water impounding projects; rainwater catchment facilities; sanitation and health facilities at municipal drug rehabilitation facilities.
“Layunin ng AM program na matulungan ang mga munisipyo lalong-lalo na ‘yung mga 4th to 6th class at iyong nasa malalayong lugar para matupad ang kanilang mga programa at mabigyan ng serbisyo ang kanilang mga mamamayan,” sinabi pa ni Año.
Sa nasabing pondo, ang P1.17 milyon ay para sa 134 AM projects ng 75 lokal na gobyerno mula sa (LGUs) ng Ilocos Region; P818 milyon naman para sa 145 AM projects ng 89 na bayan sa Cagayan Valley; P1.269 bilyon para sa 207 development projects ng 116 na bayan sa Central Luzon; P1.153 bilyon para sa 259 projects ng 123 mga bayan ng Calabarzon; P509 milyon para sa 108 projects ng 71 na bayan sa Mimaropa; P851 milyon para sa 177 projects sa 107 mga bayan ng Bicol Region; P656 milyon naman para sa 134 projects ng 75 na bayan mula sa Cordillera Administrative Region (CAR); at P11 milyon para sa 1 project sa National Capital Region (NCR).
Para naman sa Visayas, P1 bilyon ang inilaan para sa mga 173 proyekto para sa may 136 na bayan ng Eastern Visayas; P965 milyon para sa 169 AM projects ng 117 mga bayan ng Western Visayas; at P834 milyon para sa 196 projects ng 116 bayan ng Central Visayas.
Habang sa Mindanao naman, P553 milyon na halaga ang nakalaang pondo para sa 103 AM projects sa 103 bayan ng Zamboanga Peninsula; P673 milyon sa 116 projects sa 84 na bayan ng Northern Mindanao; P304 milyon para sa 74 projects ng 43 bayan naman ng Davao Region; P387 milyon para sa 71 projects ng 45 LGUs ng Soccsksargen; at P551 milyon para sa 76 projects ng 67 LGUs ng Caraga. PAULA ANTOLIN