139 KATAO HULI SA WANGWANG

CAR_BLINKER

ISABELA – UMABOT  na sa 139 katao ang lumabag sa ipinaiiral na Presidential Degree 96 o Anti-Wangwang na hinuli ng Santiago City Police Station (SCPO).

Dahil sa halos araw- araw na aksidente sa lansangan sa lalawigan ng Isabela, lalo na sa lungsod ng Santiago, ipinasiya ng kapulisan ng SCPO sa pamumuno ni P/Senior Supt. Percival Rumbaoa, city director ng SCPO, na magsagawa ng malawakang implementasyon ng nasabing batas dahil nais ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na hulihin at kumpiskahin ang mga mayroong inilalagay sa sasakyan o motor na maiingay at nakasisilaw na mga gamit na m­aaaring pagmulan ng aksidente sa lansangan.

Dahil aniya sa pina­igting na pagpapatupad ng nasabing batas ay wala silang sisinuhin maging ang mga kilalang tao at mga opisyal ng gobyerno na hindi tumupad sa ipinaiiral na batas sa lungsod ng Santiago.

Sanhi ng ipinaiiral na batas ay may mga personal na nagtutungo sa kanilang himpilan na isinuko ang kanilang mga gadget na nakakabit sa kanilang mga sasakyan.

Binigyang-diin pa ni Senior Supt. Rumbaoa na ang mga mahuhuli sa pangalawang pagkakataon ay may multang P600.00 at posible pang makulong ng anim na buwan.

Sinabi pa ni P/Senior Supt. Rumbaoa, namimigay rin sila ng flyers sa mga mamamayan upang bigyan ng kaalaman ang lahat hinggil sa ipinatutupad na Anti-Wangwang.

Pinupuntahan din aniya ng mga pulis ang mga auto shop upang ipaalam na bawal ang pagkakabit ng anumang bagay sa motorsiklo at sasakyan na maaaring magdulot ng aksidente.    IRENE V. GONAZALES

 

 

 

 

Comments are closed.