13TH MONTH NG MGA MANGGAGAWA SA METRO IPINABIBIGAY NANG MAAGA

Manny Pacquiao

NANAWAGAN  si Senador Manny Pacquiao sa pribadong sektor at maging sa gobyerno na ibigay na ang 13th month pay ng mga manggagawa sa Metro Manila.

Ang  panawagan ng senador ay kasabay ng pagpapatupad ng Community Quarantine at curfew sa Metro Manila na naging sanhi ng pagsasara ng ilang mga negosyo at pagsuspinde sa pasok ng ilang kawani ng pamahalaan.

Ayon kay Pacquiao, kahit kalahati ng 13th month pay ay ibigay na sa mga trabahador at kawani ng pamahalaan.

Aniya, malaking tulong ito upang mapunan ang mga pangangailangan sa araw- araw hanggang hindi pa naibabalik sa normal ang sitwasyon.

Naniniwala si Pacquiao na marami sa ating mga kababayan ang tiyak na mawawawalan o dili kaya ay mababawasan ang kabuhayan gawa nitong quarantine na ipinatutupad ng pamahalaan.

Anang senador, magandang mabigyan sila ng option na makuha kahit kalahati man lang ng kanilang 13th bonus.

Gayunpaman, sinabi ni Pacquiao na kokonsultahin niya si Pangulong Rodrigo Duterte at ang Commission on Audit (COA) kung may legal impediment kung aagahan ang pagbibigay ng 13th month bonus kahit kalahati man lamang.

Iginiit ng senador na  hindi naman maaaring sabihin sa taumbayan na huwag muna kumain dahil may community quarantine kaya  kahit papaano, sa maagang pagpapalabas ng 13th month pay ay maitatawid  nito ang pamilya sa delubyong dulot ng COVID-19. VICKY CERVALES