13th PANGASINAN TOURISM AND TRADE EXPO PORMAL NANG BINUKSAN SA PUBLIKO

PORMAL nang binuksan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang 13th Pangasinan Tourism and Trade Expo sa pamamagitan ng ribbon cutting na pinangunahan ni Go­bernador Amado “Pogi” I. Espino III kahapon na ginanap sa Capitol Beachfront.

Ito ay bilang bahagi ng selebrasyon ng Agew na Pangasinan at Pistay Dayat 2022 na nag-umpisa kahapon, Abril 5 hanggang Mayo 1.

Isinagawa ang pagbubukas ng Pangasinan Tourism and Trade Expo matapos ang misa ng Pasasalamat na ginanap sa Sison Auditorium.

Tampok sa nasabing expo ang iba’t ibang produktong tatak Pa­ngasinan, arts and crafts, tourism related establishments/services, One-Town, One Product (OTOP) ng mga Local Government Units sa lalawigan at iba pa.

Kasama ni Gob. Espino sa nasabing aktibidad sina Board Member Nestor “Nikiboy” Reyes, BM Chinky Perez-Tababa, BM Louie Sison, BM Noel Bince, BM Jeanne Jinky Zaplan at Lingayen Mayor Leopoldo Bataoil.

Nakiisa rin ang lahat ng mga department heads sa kapitolyo at mga em­pleyado sa masayang pagdiriwang kung saan nagtanghal ang University of Luzon Drum and Bugle Group. EVELYN GARCIA