INIHAYAG ni Mayor Honey Lacuna na ang 14,393 katao na walang trabaho sa Maynila ang nabiyayaan ng hanapbuhay ng city government mula Enero 1.
Sa ulat ni Public Employment Service Office (PESO) chief Fernan Bermejo, sinabi ni Lacuna na ang 14,393 trabaho na naibigay sa unang kalahating bahagi ng taon ay 3,455 hired on the spot; 5,765 hired via placement report of employes; 149 sa ilalim ng special program for the employment of students (SPES) para sa mga estudyante; 914 TUPAD beneficiaries.
Sa ilalim ng GIP, 1,000 hired ng local government unit; 240, national government at ang iba ay naikalat naman sa iba’t-ibang establishments sa lungsod.
Ayon kay Lacuna, ang mga nabigyan ng trabaho ay kinabibilangan ng 31 persons with disability at 57 senior citizens.
Sinigurado ni Lacuna na ang probisyon sa pagkakaroon ng trabaho ng mga walang hanapbuhay na mga Manileño ay itutuloy ng kanyang administrasyon sa pamamagitan ng walang hintong pagsasagawa ng job caravans, job fairs at iba pang paraan ng special recruitment activities.
Bilang karagdagan, ang “Kalinga sa Maynila” ng alkalde na isang weekly public forum ay ginagawa sa iba’t-ibang barangay at dito ang mga pangunahing serbisyo ng City Hall ay dinadala sa mga pamayanan gayundin ang job fairs.
“Nakapag-ugnayan na kayo, nasabi nyo pa sa pamahalaan ang problema ninyo and at the same time, nakapag-avail pa kayo ng services, plus kung naghahanap kayo ng trabaho, baka ma-hire pa kayo on the spot,” dagdag pa nito.
Pinapayuhan ng alkalde ang jobseekers na magsuot ng casual attire, magdala ng 10 kopya ng resume, sariling ballpens, sumunod sa health protocols at siguraduhing nakakain na at mag- ‘thank you’ sa kanilang interviewers, matanggap man sila sa trabaho o hindi. VERLIN RUIZ