14.6M DADAGSA SA SEMENTERYO

UNDAS-2

CAMP CRAME – AABOT sa 32,000 na pulis ang ide-deploy ng Philippine National Police (PNP) mula ­Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2 sa mahigit 5,000 sementeryo sa nasabing mga petsa upang matiyak ang kaligtasan ng mga tao.

Sa regular Monday press conference ni PNP Chief, DG Oscar Albayalde, sinabi nitong 100 porsiyento nang handa ang kaniyang mga tauhan para magbigay ng seguridad kaugnay sa nasabing okasyon habang magsisimula ang bakasyon mula Nobyembre 1 hanggang Nobyembre 4.

Aniya, magmumula ang mga ide-deploy na pulis mula sa mga Police Regional Offices at National Support Units para magbantay sa nasabing bilang ng pampublikong sementeryo, memorial parks at 76 na columbaria sa buong bansa.

Katuwang ng PNP sa pagbabantay ang 86,977 na mga force multiplier mula sa mga Local Government Unit, Civil Action Groups, Civilian Volunteers organizations at motoring clubs na itatalaga rin sa mga Police Assistance Centers.

Bukod sa mga Police Assistance Cen­ters, magkakaroon din ng bantay sa lahat ng airports, seaports, bus terminals at train stations sa buong bansa para matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero sa Undas.

WALANG SECURITY THREAT

Nanatili namang payapa at walang  namo-monitor na anumang banta sa seguridad ang PNP kaugnay sa paggunita ng All Saints’ day at All Souls’ day sa November 1 at 2 nang taong kasalukuyan.

Sinabi ni Albayalde, hanggang kahapon ng umaga ay wala silang namo-monitor na anumang banta sa para sa paggunita ng Undas.

Subalit, hindi aniya sila nagpapakampante dahil nagpapatuloy ang kanilang intelligence gathering upang hindi malusutan ng mga masasamang loob na ang layunin lang ay guluhin ang Filipino sa nasabing okasyon.

PEKENG PARI IWASAN

Nagpaalala rin si Albayalde sa publiko lalo na sa mga tutungo sa sementeryo na magpapamisa at mag­hahanap ng pari na makipag-ugnayan sa mismong administrator ng sementeryo para hindi maloko ng mga pekeng pari na aniya’y naglipana sa panahon ng Undas. R. SARMIENTO

Comments are closed.