14 KASO NG COVID-19 NAITALA SA PATEROS

NAKAPAGTALA ng 14 na aktibong kaso ng COVID-19 ang munisipalidad ng Pateros na tumaas ang bilang kung ikukumpara sa nakaraang linggo.

Ang Pateros na pinakamaliit na munisipalidad sa buong Metro Manila na mayroon lamang populasyon na nasa 70,000 residente ay nagkaroon ng karagdagang siyam na aktibong kaso ng virus o pagtaas ng 180 porsiyento kumpara sa naitalang kaso noong Hunyo 15 na mayroon lamang limang kaso ng CO­VID-19.

Sa 14 na aktibong kaso na naitala ng munisipalidad, 11 dito ya nanggaling sa Barangay Sta. Ana habang may tig-isang kaso naman ang mga barangay ng Martirez Del 96, Santo Rosario-Kanluran at Santo Rosario-Silangan.

Labingdalawa sa mga naitalang aktibong kaso ng COVID-19 ang mga asymptomatic habang ang dalawa ay mayroon lamang mga mild cases.

Sa kabuuan, nakapagtala ang Pateros ng 9,966 kumpirmadong kaso ng COVID-19 kung saan 9,839 sa mga ito ay mga naka-recover habang 113 naman ang mga namatay sa virus magmula noong 2020.

Nabahala ang pamahalaang lokal sa muling pagkakaroon ng kaso ng virus makaraang wala nang kasong naitala ito sa loob ng mahabang panahon.

Sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa munisipalidad ay nanawagan si Ponce sa mga residente na ipagpatuloy ang pagsunod sa ipinatutupad na minimum public health standards kabilang ang pagsusuot ng face mask, malimit na paghuhugas ng kamay gayundin ang pagpanatili ng social distancing sa mga matao at pampublikong lugar. MARIVIC FERNANDEZ